Binanatan muli ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo dahil sa mga pahayag nito tungkol sa bakunang Sinovac.
Sa kanyang talumpati, binatikos ni Duterte si Robredo dahil diumano sa pamimilit nito na magpabakuna ang 75 anyos na Pangulo sa publiko kahit na hindi naman nirerekomenda sa edad 60 pataas ang nasabing bakuna galing China.
Ayon sa kanya ay tila nagpapapansin lang si Robredo sa publiko kaya’t lagi itong naglalabas ng kanyang opinyon tungkol sa mga isyu.
“Ikaw, sige ka ng salita diyan. Wala ka namang ginagawa. Sige ka issue-issue ng statement. You know [why]? Because you want to be relevant here. Gusto mo sumali sa laro na para pakinggan ka rin,” ani Duterte.
Sinabi niya rin na kung gusto ni Robredo ay siya ang mamili ng bakuna kung gusto niya.
“Kung marunong kang makinig, walang bakuna ngayon available either hingin mo o nakawin o bayaran mo, not only the Philippines,” sabi ni Duterte.
“Ngayon kung gusto mo talaga para mahinto ka, kuha mo yung basket mo mamalengke ka sa labas ng bakuna, bigyan kita pera para kung may mabili ka bilhin mo na kagad at umuwi ka dito sa Pilipinas,” dagdag niya pa.
Kahit daw anong mangyari kay Robredo ay hindi niya iiwan ang mga frontliners.
Ipinaliwanag na noon pa ng Pangulo na ang kanyang mga doktor ay hindi pa nagbibigay ng rekomendasyon kung anong bakuna ang ibibigay sa kanya.
“Sabi niya (VP Robredo) mauna ako … masyado kang apurado,” saad ng Pangulo.
Inakusahan naman ng Pangulo si Robredo na sinusubukan siyang hatakin sa isang patibong para palabasin na matagal na siyang nakatanggap ng bakuna kasama ang kanyang Presidential Security Group (PSG).
“Pagduda mo kasi tapos na ako, kaya you want me to go to a trap to saying things which are not appropriate,” ayon sa Pangulo.
Ayon pa sa Pangulo ay gusto niya na personal na makita ni Robredo ang kanyang pagpapabakuna sa mga darating na araw.
“Kung gusto ko kapag nag injection ako nandiyan ka sa Malacanang,” sabi ng Pangulo.