Home Celebrities Ina ni Christine Dacera, itinanggi na insurance claims na nagkakahalaga ng 2-M ang kanyang habol sa kanyang pumanaw na anak

Ina ni Christine Dacera, itinanggi na insurance claims na nagkakahalaga ng 2-M ang kanyang habol sa kanyang pumanaw na anak

0

Mariing itinanggi ng ina ni Christine Dacera ang mga akusasyon na hinahabol niya lamang ang insurance ng kanyang anak kaya’t pinupursigi nito na mapatunayan na sinadya ang nangyari sa flight attendant noong Enero 1.

Sa isang panayam sa programa ng television host na si Boy Abunda ay sinagot ni Mrs. Dacera ang balita na hinahabol niya ang dalawang milyong piso sa insurance ng anak na hindi niya makukuha kung mapapatunayan na ‘natural cause’ ang dahilan ng pagpanaw ng flight attendant.

Ayon sa abogado ng mga Dacera na si Atty. Brix Reyes ay hindi pa nga nakakapag-apply ng insurance claims ang pamilya ni Christine dahil hanggang ngayon ay nagkakaroon parin ng kalituhan sa kaso.

Sinisi nila ang medico-legal officer na nag embalsamo kay Christine na siyang dahilan kung bakit hindi parin malinaw kung ano ba talaga ang nangyari sa flight attendant.

Iginiit naman ni Mrs. Dacera na hindi pera ang habol niya sa ginagawa niyang paglaban para sa kanyang anak.

Paliwanag niya ay hindi naman maibabalik ng kahit anong halaga ang buhay ng kanyang anak.

“Para sa akin, Sir Boy, hindi insurance ang pinag-uusapan natin dito, yung hustisya para sa anak ko,” ani Mrs. Dacera.

“Pwede siguro akong mangutang ng two million pesos, mabuhay pa kaya nila si Christine, yun ang tanong ko?” dagdag niya pa.

Itinanggi rin nila na nakakatanggap sila ng VIP treatment sa kapulisan.

“Kung malakas kami sa PNP, sana hindi kami nahihirapan ngayon sa paghahanap na malutas yung kaso namin. Nahihirapan kami, e,” saad ni Mrs. Dacera.

 

Facebook Comments