Home Social Media “Gawa sa ginto?” Tower clock sa isang bayan sa Bulacan, nagkakahalaga ng 4.3 milyong piso

“Gawa sa ginto?” Tower clock sa isang bayan sa Bulacan, nagkakahalaga ng 4.3 milyong piso

0

Pinuna ng ilang netizens ang tila itinatayong clock tower sa isang bayan sa Bulacan dahil daw sa taas ng presyo nito.

Ipinost ng netizen na si Lito PE Gonzales ang litrato ng ginagawang imprastraktura sa bayan ng Balagtas, Bulacan kung saan sinasabi niya na tila hindi tama ang ginastos ng gobyerno para sa nasabing clock tower.

Ayon sa nakapaskil na karatula ay nagkakahalaga ng P4,312,840.24 ang nasabing imprastraktura na pinondohan ng DILG at ng nasabing munisipalidad.

Matatagpuan ang nasabing proyekto sa Manila North Road, Brgy. Wawa, Balagtas.

Tanong tuloy ni Gonzales at ng ilang netizens, gawa ba sa ginto ang nasabing imprastraktura para umabot ito ng mahigit apat na milyong piso.
“4.3 million ??? May ginto po ba ang bawat Numero ng orasan na ilalagay dto ??? Hindi talaga kayo mawawalan ng paraan Para magkalaman ang bulsa ???” ani Gonzales.

“Tapos pag may lalapit sa inyo na mga Mahihirap pahihirapan nyo din bago nyo Ambunan ng gapatak na nabubulsa nyo,” dagdag niya pa.

May ilang netizens din na nagbigay ng kanilang opinyon at sinabing sana’y ginamit nalang ang nasabing pondo para ipagawa ang kanilang mga kalsada.

Isang netizen pa ang nagsabi na halos kapresyo na ng malaking bahay ang nasabing proyekto.

Ngunit may ilan din naman na ipinagtanggol ang proyekto at tinanong si Gonzales kung may pruweba ba siya sa kanyang mga akusasyon.

Umabot ng 94 shares ang nasabing post.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang LGU ng Balagtas sa nasabing post.

Facebook Comments