Home Netizen's Voice Mga delivery rider, sinupresa ng kanilang customer ngayong pasko

Mga delivery rider, sinupresa ng kanilang customer ngayong pasko

0

Ilang delivery rider sa Cavite ang nasupresa matapos silang makaranas ng “fake booking” mula sa isang customer noong Disyembre 22.

Ikinuwento ng ilang miyembro ng Active Riders Passenger Group (ARPG)/ANGKAS at PADALA 24/7 (Cavite), isang grupo ng mga delivery rider sa nasabing probinsiya ang supresang inihanda sa kanila ni netizen Evelyn Cabuhat.

Ayon sa isa sa mga rider na si Raniel Miranda ay nagpabili daw si Cabuhat ng groceries sa kanya.

Pero noong iaabot na ni Miranda na ang mga groceries sa kanyang customer ay binayaran lamang daw ito ni Cabuhat at sinabing para talaga sa rider ang mga pagkaing ipinabili niya.

“Nag book si Mam Evelyn Gutierrez Cabuhat sa page kanina, deliver daw from Golden City Imus to Malagasang area. Pagdating ko sa PickUp point. Nagulat ako ng sabihin nya na “Ideliver mo yan sa inyo, sayo yan,” ani Miranda.

“Laking tuwa ko ng tangapin ang maaga nyang pamasko. May pang handa na kami sa Christmas Eve. Maraming Salamat po sa mabuti nyong puso. Pagpalain nawa kayo ng Diyos sa pang araw-araw na pamumuhay! Maligayang pasko po sa inyo! Maraming Salamat po. Nakakataba po kayo ng puso,” dagdag pa niya.

Maliban kay Miranda ay may ilan pang mga rider ang nabigyan ng groceries ni Cabuhat na kilala na bilang customer ng nasabing group.

Dahil sa nangyayari sa ating bansa ay dumami ang tumangkilik sa mga delivery rider.

Isa ang ARPG sa mga grupo ng riders na lumobo ang miyembro dahil narin sa marami ang nawalan ng trabaho at naghanap ng ibang pagkakakitaan katulad ng pagde-deliver gamit ang kanilang mga motorsiklo.

 

Facebook Comments