Home Social Media Mga nangongolekta ng wild plants, maaring parusahan ng batas ayon sa DENR

Mga nangongolekta ng wild plants, maaring parusahan ng batas ayon sa DENR

0

Binalaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Zamboanga ang mga netizen sa pagbabalak magbenta o mangolekta ng mga halaman na galing pa sa kabundukan at kagubatan.

Matatandaan na biglang umusbong ang pangongolekta ng mga indoor plants dahil na rin sa walang mapaglibangan ang mga tao sa gitna ng nangyayari sa ating bansa.

May mga tao rin na nag umpisang pumunta sa mga kagubatan at kabundukan upang mangolekta ng mga halaman na mataas daw ang presyo sa merkado ngayon.

Sa isang Facebook post ay sinabi ng DENR na ang pagkuha ng mga halaman “direkta” sa kagubatan na walang kaukulang permiso lalo na ang ‘yung mga “threatened species” ay maaring lumabag sa Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Sinabi ng ahensiya na hindi basta basta ang parusa sa nasabing batas dahil ang mga lalabag dito ay pagmumultahin ng mula ₱1,000 hanggang ₱1,000,000 at maari rin silang ilagay sa selda sa loob ng anim hanggang 12 taon.

“Collection and trade of threatened species are prohibited unless such acts are covered under a permit issued by the DENR and the species are found in areas under a valid tenure instrument or a parcel of land covered by a title under the Torrens System,” ani DENR Zamboanga Peninsula Executive Director Crisanta Marlene Rodriguez.

Inilista DENR Zamboanga ang ilan sa mga halaman na nanganganib ng maubos at pinagbabawal kolektahin o ibenta.

  1. Capa de Leon (Platycerium grande);
  2. Staghorn fern (Platycerium coronarium);
  3. Waling-waling (Vanda sanderiana)’
  4.  Green Velvet Alocasia (Alocasia micholitziana);
  5. Kris plant (Alocasia sanderiana);
  6. Zebra Plant (Alocasia zebrina);

Ilan sa mga nabanggit na halaman ay talamak na ibinebenta ngayon sa internet.

Ang halaga ng mga nasabing halaman ay nagkakahalaga ng libo libong piso ngayon sa merkado.

May ilang halaman pa nga na umaabot daw ng 30,000-50,000 ang presyo.

Kahit na pinagbabawal ay patuloy parin ang mga nasabing transaksyon sa internet.

May mga ilang vlogger din na ipinakita kung paano sila nangongolekta ng mga nasabing halaman katulad ni Edd Sohail.

Hindi pa malaman kung gagawa ba ng aksyon ang DENR upang mahuli ang mga nagbebenta ng mga nasabing halaman sa internet.

Facebook Comments