Home Politics Mayor Isko Moreno, papalayasin sa Pilipinas ang mga Chinese na nagbenta ng skin products na gawa daw sa “Manila, Province of China”

Mayor Isko Moreno, papalayasin sa Pilipinas ang mga Chinese na nagbenta ng skin products na gawa daw sa “Manila, Province of China”

0

Hindi maitago ni Manila City Mayor Isko Moreno ang kanyang pagka inis sa dalawang Chinese national na iligal na nagbebenta ng produktong pampaganda sa kaniyang siyudad.

Nakarating kay Moreno ang balita tungkol sa nasabing produktong pagmamay-ari ng Elegant Fumes Beauty Products Inc matapos ipakita ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles na ginawa nilang probinsiya ng China ang Maynila sa kanilang packaging.

Sa ipinakitang beauty product ni Nograles, makikitang ang manufacturing address ay matatagpuan daw sa “1st floor, 707 Sto Cristo Street, San Nicolas, Manila Province, P.R. (People’s Republic of) China.”

Hindi ito ikinatuwa ng mga netizen at lalong lalo na ni Moreno kaya’t inutusan niya kagad ang kanyang mga tauhan na ipatigil ang operasyon ng nasabing kumpanya.

Ayon kay Moreno, tila inaangkin ng mga may ari ng nasabing kumpanya ang Maynila.

Dahil dito ay sumulat na siya sa Bureau of Immigration upang mapalayas na ang dalawang Chinese sa Pilipinas.

“Umasa kayo na itong limang may-ari ng nasabing kumpanya — Elegant Fumes Beauty Products Inc. ay hindi na po makakapagnegosyo sa Maynila. Dalawa sa lima ay mga Chinese national,” ani Moreno.

“‘Yung tatlo po ay Filipino at yung dalawa ay Chinese national. Akin pong gagawin ay susulat po ako sa Bureau of Immigration to deport and declare these two Chinese nationals (as) undesirable aliens in violation of rules and regulations in doing business in Manila and misrepresention na parang inaangkin nila na yung Maynila ay nasa China,” dagdag pa nito.

May ilan pang paglabag na nadiskubre ang Manila City Government kaya’t inaasahan na patong patong na kaso ang kakaharapin ng mga tao sa likod ng nasabing kumpanya.

Sinabihan rin nito ang malalaking online shopping platforms sa Pilipinas na tanggalin na ang lahat ng produktong gawa ng Elegant Fumes Beauty Products Inc.

Sinisigurado din diumano ni Moreno na hindi siya papayag na may mga bansa na hindi ire-respeto ang soberantiya ng Pilipinas.

“Ang Binondo ay bahagi po ng Maynila at ang Maynila ay bahagi pilipinas. Ang Maynila ang kapitolyo ng bansa. Hindi po ito probinsya ng China… at ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa anumang lathalain o kasaysayan na nalathala sa panahon natin at panahon ng ninuno natin,” saad ni Moreno.

Facebook Comments