Home Uncategorized Unibersidad ng Maynila, ipapangalan sa namayapang Manila Mayor Alfredo S. Lim

Unibersidad ng Maynila, ipapangalan sa namayapang Manila Mayor Alfredo S. Lim

0

Isinusulong ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pag-iiba ng pangalan ng Unibersidad ng Maynila (UDM) upang bigyang pugay ang namayapang dating alkalde na si Alfredo S. Lim.

Nakapasa na sa unang pagbasa ang panukala na isunod sa pangalan ni Lim ang nasabing unibersidad na itinayo sa ilalim ng kanyang administrasyon noong 1995, upang magbigay ng libreng edukasyon sa mga Manilenyo.

Ayon kay Moreno, nararapat lamang na kilalanin si Lim na binansagan ding “Ama ng Libreng Edukasyon” sa kanyang ginawa 25 taon na ang nakakaraan.

Suportado din ito ng mismong Presidente ng UDM na si Maria Lourdes Tiquia.

Binawian ng buhay si Lim ilang araw na ang nakakaraan.

Pinuri naman ng mga netizen ang ideya ni Moreno.

Matatandaan na naglaban si Moreno at Lim sa eleksyon noong 2019, ngunit nanatili ang kanilang magandang samahan.

Mismong si Lim pa nga ang nagsabi na gusto niyang maging Pangulo ng Pilipinas si Moreno, ngunit hindi niya alam kung buhay pa siya kapag dumating ang panahon na ‘yon.

“Tiyak na tiyak, magiging Pangulo (siya), dahil sa ngayon wala naman tayong nakikita na maaring maging Pangulo ng bansa, sa ngayon… ewan ko yung iba, baka hindi pa pinapanganak, sigurado na si President Isko ang magiging Pangulo natin,” ani Lim.

“Pero ang masakit non, baka nasa sementeryo na ako non, hindi na ko pwedeng pumalakpak, pero alam niya na pinagdarasal ko ang kanyang tagumpay,” dagdag pa niya.

Sinabi ito ni Lim noong binuksan ni Moreno ang pinakamalaking dialysis center sa Pilipinas, na ipinangalan kay Flora Valisno Siojo, ang  lola ng dating alkalde.

Facebook Comments